Magtatapos na ang taon 2007. Parating na ang pasko. Alam na nating lahat ‘yan pero bakit sinasabi ko pa? Syempre, kasunod nyan ang bagong taon ng 2008 - ang ating ika-25 taon mula graduation ng highschool noong 1983. At tayo ay gumagayak sa ating paghohost bilang mga silver jubilarians sa alumni homecoming ng dec 2008.
Napagkasunduan ang pagbibigay ng contribution para sa nasabing reunion, para sa eskwela at napasingit na rin ang pledge para sa highschool chapel. Nagbudget tayo ng PHP 500,000 para sa lahat. Isang taon pa ang ating bubunuin para matugunan ang mga nasabing commitments, maliban sa pagiging school sponsor tayo sa mga school activities – palagay ko kasabay na ito ng pagpasok ng bagong taon. May perang ipinangako na mula sa mga ka-batch – PHP 235,000, at malamang may madadagdag pa dito.
Proposal ko na huwag na tayong magparaffle pa. Ang ating bayan ay binabaha na lang palagi ng mga kung anu-anong raffle draws. Sana sa ating batch ay mabago ang mga nakagawian – mga sistemang hindi naman kailangan at nararapat. Hindi dahil sa tayo ay naiiba kundi dahil tayo ay mga nagsusumikap gumawa ng paraan kung paano mas magiging mararamdaman at mapapairal ang tunay na espiritu ng pagkakaisa sa ating pagkikita at pagsasalusalo. Sa madaling salita, ang reunion sana natin ay hindi magkakaroon ng sagabal dahil sa contribution lamang – pera o anupaman. Isipin sana natin kung ano ang katuturan ng ating pagkikitakita – kasama na ang lahat ng ibang mga batch. Iyon ay maaaring hindi iugnay sa contribution lamang. Higit sa anupaman ang sigla at tuwa ng bawat isa na magisnang muli ang dating paaralan, ang mga dating kamag-aral at mga kaibigan, at ang mga taong naging kabahagi sa ating pag-aaral sa la salette. Ang contribution ay dapat na pumapangalawa lamang kundi man nahuhuli sa mga dapat isaalang-alang.
Sana hindi tayo babalik ngayon sa la salette para lamang sa contribution. Sa ayaw man at sa gusto natin, ang ating contribution sa ating dating paaralan at sa lipunan ay naibigay na at nagpapatuloy pa. Lahat tayo ay nakapag-ambag na sa kanya-kanyang kakayahan. Hindi pa ba sapat na tayo ay mga buhay na larawan at simbolo ng edukasyong la salette?
Sana isipin natin na ang mga pledges na hinihingi sa ngayon ay isa lamang sa mga magagandang dahilan para maipagpatuloy ang mga dating ugnayan. Na ito ay magsisilbing palamuti lamang sa ating samahan.
Oo nga’t maganda ring may maiaabot tayong pisikal na alaala sa ating alma mater. Maganda ring may makukukot at mapagsasaluhan tayo sa sandali ng ating kumustahan. Pero hindi sa mga ito maisasandal ang buod at tagumpay ng ating reunion. Nasa kung ano at sino tayo bago, habang at pagkatapos ng ating muling pagtatagpo – mga maliligayang nilalang na pinagpala, mga taong puno ang puso ng pasasalamat, mga kaibigang nakahandang umalalay, at mga mamamayang patuloy ang pagsusumikap para sa ikauunlad ng bayan.
Ikaw - isipin mo rin kung bakit kailangan mong dumalo…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment